Nasa kamay na ng mga school offices ang pasya kung suspendido ba ang pasok ngayong araw maging sa mga susunod pang araw.
Ito ay matapos manalasa ang bagyong Usman sa Bicol Region at Eastern Visayas na nag-iwan ng hindi bababa sa 68 ang patay.
Sa pinakahuling datus ng Department of Education (DepEd) dahil sa bagyo, 29 na eskwelahan ang lubog sa baha sa Albay, Camarines Sur, Iriga City, Sorsogon, Aklan at Capiz.
Ayon kay DepEd Undersecretary Anne Sevilla, ipinaubaya nila ang desisyon sa mga school division directors dahil mas alam nila ang sitwasyon kung gaano ba kadelikado at apektado ang mga paaralan.
Tiniyak ng DepEd na hindi makokompormiso ang pag-aaral ng halos 10 milyong estudyante matapos manalasa ang bagyong Usman.
Kasabay nito 173 classroom ang ginawang evacuation area kung saan pansamantalang naninirahan ang nasa 5,700 indibidwal.
Inatasan naman ang mga school division offices na mag-monitor at agad kumilos o tumulong kung kinakailangan para di na madagdagan pa ang casualties.