Aminado ang Palasyo na kulang talaga ang suportang ipinagkakaloob ng pamahalaan sa ating mga atleta.
Ayon kay Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque kakarampot lamang ang allowance at benepisyo ang kanilang natatanggap.
Pero hindi naman aniya ibig sabihin na wala talagang nakukuhang suporta ang mga Filipino athletes dahil itinayo kamakailan ang New Clark City kung saan maaari silang mag-ensayo sa isang world class facility.
Kaugnay nito, naniniwala ang kalihim na magsisilbing game changer ang pagkakasungkit ni Hidilyn Diaz ng gintong medalya sa ginaganap na Tokyo Olympics.
Paliwanag nito, napapanahon na para sa ating mga mambabatas na lumikha ng batas na magbibigay ng buong suporta sa ating mga atleta.
Ang pagkapanalo kasi ng bawat Filipino athlete ay panalo hindi lamang ng atleta kung hindi ng buong Pilipinas.