Pagkakapatay ng mga pulis sa apat na sundalo, pinangangambahang mauwi sa “rido”

Nangangamba si Armed Forces of the Philippines (AFP) Western Mindanao Command Commander Lieutenant General Cirilito Sobejana na mauwi sa rido o gantihan ng pamilya ang pagkakapatay ng siyam (9) na pulis sa apat (4) na sundalo.

Ayon kay Sobejana, ang isa sa apat na nasawing sundalo na si Corporal Abdal Asula ay isang Muslim.

Anim silang magkakapatid at ilan dito ay mga sundalo rin kaya nangangamba siya na balikan ng mga kapatid ni Corporal Asula ang pamilya ng siyam (9) na pulis na nakapatay sa kanilang kapatid.


Sinabi pa ni Sobejana, ganyan ang kultura ng mga tao sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARRM).

Kaya sa ngayon, para maiwasan ang kanilang pinangangambahan, nakaalerto ang tropa ng militar.

Samantala, tiniyak din ni Sobejana na hindi mangyayari ang paghihiganti sa panig ng mga sundalo sa kabila nang shooting incident.

Aniya, magkakampi ang mga pulis at sundalo at nasa iisang gobyerno.

Dagdag pa ni Sobejana, pagtatawanan ang AFP at Philippine National Police (PNP) ng mga teroristang grupo katulad ng Abu Sayyaf Group kapag nagkaroon ng gantihan ang mga tropa ng gobyerno.

Sa ngayon aniya, wala nang tensyong nangyayari sa Sulu.

Facebook Comments