Inaasahan na nang Department of National Defense na hihina ang pwersa ng lokal na terorismo sa bansa.
Ito ay matapos ang magkahiwalay na operasyon sa Bukidnon at Maguindanao na nagresulta sa pagkamatay ng leader ng New People’s Army at Dawlah Islamiyah.
Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, ang pagkakasawi nina Jorge “Ka Oris” Madlos at Salahuddin Hassan sa pamamagitan ng internal security operations ay malaking dagok sa mga terorista na may tangkang maghasik ng lagim lalo na sa Mindanao.
Sinabi ng kalihim malaking kawalan ang pagkasawi ng dalawa at apektado nito ang operasyon ng mga lokal na terorista.
Pinuri naman ni Lorenzana ang Armed Forces of the Philippines (AFP) lalo na ang mga tropa mula sa 4th Infantry at 6th Infantry Division.
Maging ang Philippine National Police (PNP) na katuwang nila sa pagpapatupad ng kapayapaan at kaayusan ay pinuri rin ni Secretary Lorenzana.
Aniya pa patunay ang tagumpay na ito sa pinalakas na kapasidad ng AFP at ng pinaigting na suporta ng mamamayan laban sa terorismo.