Manila, Philippines – Hiniling na rin ng Makabayan Bloc sa Kamara na imbestigahan ang pagkakapatay ng mga Pulis Caloocan sa labing siyam na taong gulang na si Carl Angelo Arnaiz.
Sa House Resolution 1279 na inihain ng MAKABAYAN Bloc, pinaaaksyunan sa Mababang Kapulungan ang kaso ni Carl na itinuturing ng mga kongresista na isa sa mga biktima ng war on drugs ng gobyerno.
Hiniling ng MAKABAYAN na bigyang katarungan ang pamilya Arnaiz sa pamamagitan ng pagsisiyasat sa insidente at pagpapanagot sa mga responsable sa pagpatay kay Carl.
Binanggit sa resolusyon na ang bangkay ni Arnaiz ay natagpuan na lamang ng kanyang pamilya sa morge sa Cainta Rizal.
Si Arnaiz, ayon sa mga pulis, ay nang-holdup ng taxi driver matapos sumakay mula sa Navotas ng alas-tres ng madaling araw noong Agosto 30, bagay na sinasabi naman ng pamilya Arnaiz na imposible.
Sa resulta ng forensic exam ni Dr. Erwin Erfe ng Public Attory’s Office, lumalabas na may ebidensiya na pinahirapan si Carl Angelo at ang pagpatay nito ay masasabi umanong execution style at talagang intensyon na patayin ang gumawa nito sa biktima.