Pinapurihan ng Department of National Defense (DND) ang pagsisikap ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na tugisin ang mga myembro ng Dawlah Islamiyah-Maute Group na responsable sa malagim na pambobomba sa Mindanao State University noong Disyembre ng nakalipas na taon.
Ito’y kasunod ng magkakahiwalay na engkwentro sa Lanao del Norte kamakailan kung saan ilang kasapi ng Dawlah Islamiyah-Maute Group ang napatay ng pamahalaan.
Bukod pa ang naganap na engkwentro sa pagitan naman ng mga makakaliwang grupong New People’s Army (NPA) na nangyari sa Negros Occidental at Bohol nitong nkaraang linggo.
Ayon kay Defense Sec. Gilberto Teodoro Jr., determinado ang pamahalaan na habulin ang mga taong nasa likod ng paghahasik ng kaguluhan sa bansa.
Nagpahayag din ng pakikidalamhati at pagpupugay ang DND sa mga sundalong nagbuwis ng kanilang buhay para sa bayan.
Tiniyak din nito ang suporta at tulong sa naulila nilang pamilya.
Aniya, base sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kasama ang AFP ay magsusumikap silang maiwasan na may magbuwis muli ng buhay sa hanay ng pamahalaan tuwing may operasyon laban sa mga teroristang grupo.