PAGKAKAREKOBER SA BANGKAY NG NAWAWALANG FISHBALL VENDOR, INIIMBESTIGAHAN NG PULISYA

Cauayan City, Isabela- Kasalukuyang iniimbestigahan ng kapulisan ang pagkakarekober sa bangkay ng fishball vendor mula sa bayan ng Luna, Isabela na unang naiulat na nawawala noong Hulyo 2, 2022.

Pasado alas nuebe ng umaga nitong Lunes, July 4, 2022 nang matagpuan sa sapa sa bahagi ng Brgy. Santor, Reina Mercedes ang palutang-lutang na katawan ni Roman Capinlac, 58 taong gulang, may-asawa at residente ng Purok 1, Brgy. Bustamante sa bayan ng Luna.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PLt. Jeremias Veniegas, Deputy Chief of Police ng Reina Mercedes Police Station, isang concerned citizen aniya ang nagsumbong sa kanilang himpilan kaugnay sa nakita nitong bangkay sa sapa.

Ayon kay PLt Veniegas, halos hindi na makilala ang biktima nang maiangat mula sa creek dahil nasa state of decomposition na subalit positibo naman siyang kinilala ng misis na si Teresita Capinlac.

Inaalam na rin ng pulisya ang posibleng dahilan ng pagkamatay ng biktima na nakita sa sapa ilang metro lamang ang layo mula sa naiwang kolong-kolong sa maisan kasama ang tsinelas at bag na may lamang pera.

Sa ngayon, nakaburol na sa kanilang bahay sa bayan ng Luna ang labi ng biktima.

Matatandaan nitong ika-2 ng Hulyo, ipinanawagan ng anak na si Michelle Capinlac ang kanyang tatay na hindi na nakauwi matapos itong magtinda ng fishball sa isang piesta sa Pulay, Luna.

Ayon pa kay Veniegas, walang anumang nakitang record sa PNP ang nasawing fishball vendor.

Facebook Comments