Pagkakaroon ng 24/7 global emergency helpline, kasama sa panukalang pagtatag ng departamento para sa OFWs

Magkakaroon ng isang “global 911” na tutugon sa mga pangangailangan ng mga Pilipino sa ibang bansa anumang oras, lalo na sa panahon ng emergency.

Ayon kay Committee on Labor Chairman Senator Joel Villanueva, isa ito sa mga mandato ng Senate Bill No. 2234 o panukalang pagtatayo ng Department of Migrant Workers and Overseas Filipinos o DMWOF

Paliwanag ni Villanueva, ang 24/7 global emergency helpline na ito ang tutulong sa ating mga kababayan at asahang hindi lamang ito simpleng recorded messages o Q&A kundi maghahatid ito ng tunay na tulong lalo na sa mga nasa emergency.


Inihalimbawa ni Villanueva na mga problemang maaaring idulog ng OFW sa hotline ang iligal na pagkumpiska ng passport, pagsuway sa kondisyon ng kontrata, illegal termination sa trabaho, pang-aabuso o karahasan at trafficking.

Ipinunto ni Villanueva na kung ang bansa ay tinaguriang “call center capital” ng mundo, ay nararapat lamang na magkaroon tayo ng ganitong sistema para sa sariling mamamayan na nakipagsapalaran sa ibang bansa.

Facebook Comments