Pagkakaroon ng avian flu sa bansa, pinaiimbestigahan sa Kamara

Manila, Philippines – Pinasisilip ng Kamara kung ano ang mga hakbang na ginawa ng Department of Agriculture at Department of Health para tugunan ang problema ngayon ng bansa laban sa posibleng pagkalat ng avian influenza sa bansa.

Sa House Resolution 1189 na inihain ni AGRI PL Rep. Orestes Salon, nais malaman kung ano ang hakbang ng gobyerno para hindi kumalat ang avian flu at hindi makahawa sa mga tao.

Nababahala ang kongresista dahil sa alegasyon ni Agriculture Sec. Manny Piñol na buwan pa lamang ng Abril ay may mga poultry farms na apektado ng virus na hindi lamang inirereport.


Pinagsasagawa din ng mambabatas ang pamahalaan ng nationwide inspection upang matiyak na napigilan at hindi kumalat sa ibang bahagi ng bansa ang nasabing sakit na makikita sa mga alagang manok, pato, pabo at iba pang klase ng ibon.

Pinatitiyak din ng kongresista sa mga kaukulang ahensya na may suportang maibibigay ang gobyerno lalo na sa mga apektadong poultry producers.

Facebook Comments