Iminungkahi ni Senador Sherwin “Win” Gatchalian ang pagkakaroon ng centralized database system para sa lahat ng mga nabakunahan upang mapaigting ang pag-monitor sa mga bakunadong indibidwal at sa mga hindi pa nakatatanggap ng bakuna.
Ayon kay Gatchalian, sa ganitong paraan ay maiiwasan din ang mga magtatangkang makakuha ng booster shot sa panahong marami pa ang hindi nababakunahan.
Suhestiyon niya, isama sa listahan ang mga nakatanggap ng bakuna mula sa pribadong sektor o mga bakunang binili at ibinigay ng mga pribadong kompanya sa kanilang mga empleyado.
Giit ng senador sa Department of Information and Technology (DICT), isama ito sa binabalangkas na digital o unified vaccine certificates para sa mga taong fully vaccinated na.
Aniya, kailangang gawing uniform ng Department of the Interior and Local Government at Department of Health ang mga vaccination cars para nakahanda na tayo kapag naging global standard na ang vaccination card.
Tinukoy pa ng senador na ang VaxCertPH na hinahanda na ng DICT sa pakikipagtulungan sa DOH ay ipamimigay sa mga taong nakakumpleto na ng bakuna sa bansa at ito ay batay sa pamantayan at technical specifications ng World Health Organization (WHO).