Pagkakaroon ng Child Protection Committee sa lahat ng paaralan, iginiit ni Senator Sherwin Gatchalian

Iginiit ni Committee on Basic Education Chairman Senador Win Gatchalian sa mga pribado at pampublikong paaralan sa elementarya at high school ang pagkakaroon ng aktibong Child Protection Committee (CPC) laban sa iba’t ibang uri ng pang-aabuso ng mga guro, tulad ng sexual harassment sa mga mag-aaral.

Ayon kay Gatchalian, sa ilalim ng Department Order No. 40 series of 2012 ng Department of Education (DepEd) ay mandato sa mga CPC ang pagbuo at pagpapatupad ng mga policy upang mabigyang proteksyon ang mga bata.

Ang CPC ay pinamumunuan ng school head o administrator at katuwang ang isang guidance counselor o teacher at may kinatawan din dito ang mga magulang, mag-aaral, at komunidad.


Tungkulin ng CPC na tukuyin ang mga posibleng kaso ng pang-aabuso sa mga mag-aaral at agad i-report sa Philippine National Police Women and Children Protection Desk, Social Welfare and Development Office, mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan at sa mga non-government organizations.

Tinukoy ni Gatchalian ang National Baseline Study on Violence Against Children in the Philippines, na nagsasabing higit labing-pitong porsyento (17%) ng mga kabataang may edad na labingtatlo (13) hanggang labingwalo (18) ang nakaranas ng sexual violence.

Base sa naturang ulat, higit limang porsyento (5%) ng mga insidenteng ito ay nangyayari sa loob mismo ng mga paaralan.

Binigyang -diin pa ni Gatchalian na kahit suspendido ang face-to-face learning sa pagbubukas ng klase dahil sa banta ng COVID-19 ay hindi nawawala ang banta ng pang-aabuso mula sa ilang guro o kawani ng mga paaralan laban sa mga mag-aaral.

Facebook Comments