Pagkakaroon ng code of conduct sa mga blogger, pinag-aaralan na

Manila, Philippines – Pinag-aaralan ni 1-Ang Edukasyon PL Rep. Salvador Belaro ang pagkakaroon ng Code of Conduct para sa mga bloggers.

Ito ay kasunod na rin ng isyu ng fake news at sa mga political bloggers na umani ngayon ng samu`t saring reaksyon dahil sa kawalan ng regulasyon sa kanilang mga post o blog.

Ayon kay Belaro, kapuna-puna na marami sa mga bloggers ngayon ay naglilingkod sa gobyerno.


Dahil dito, nais ni Belaro na bumuo na ng Code of Conduct sa lahat ng mga bloggers lalo na ang mga nakalinya sa pulitika hindi para pigilan kundi para maging epektibong communicators para sa mga polisiya, programa at proyekto ng gobyerno.

Paalala ni Belaro, bilang mga government employees na maituturing ay dapat may ethical standards na susundin upang maiwasan ang pagpopost ng mga impormasyon na walang ebidensya.

Napuna din ng mambabatas na walang grupo o asosasyon na kumakatawan sa mga bloggers at kanya-kanya ang mga ito.

Kasabay ng pagbuo ng code of conduct para sa mga bloggers ay kukunsultahin muna ng kongresista ang mga ito gayundin ang mga public information officers.

Facebook Comments