Pagkakaroon ng COVID-19 passport para mapigilan ang pagpasok ng mga bagong variant sa bansa, inirekomenda ng UP-OCTA Research

Pabor ang University of the Philippines OCTA Research Team na magkaroon ng COVID-19 passport sa bansa kasunod ng implementasyon ng immunization program ng pamahalaan.

Sa interview ng RMN Manila kay UP-OCTA Research Team Dr. Butch Ong, ang pagkakaroon ng COVID-19 passport ay isang mabisang paraan upang maabot ng gobyerno ang herd immunity ng World Health Organization.

Ayon kay Ong, sa pamamagitan ng COVID-19 passport, mapipigilan ang pagpasok sa bansa ng mga bagong strain tulad ng South African Variant na nakakahawa kahit pa may COVID-19 vaccine na ang isang tao.


Bukod dito, may mga bansa rin aniya na isa ang COVID-19 passport sa mga requirements upang makapasok ka sa kanilang bansa.

Samantala, sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Integrated Bar of the Philippines President Atty. Egon Cayosa na kung resonable at kinakailangan ang pagkakaroon ng COVID-19 passport ay maaari naman itong ipatupad ng gobyerno.

Giit ni Cayosa, bagamat may right to travel ang bawat isa, mas mangingibabaw pa rin ang public interest ngayon may COVID-19 pandemic.

Facebook Comments