Naniniwala ang ilang mga senador na hindi problema kung dalawang Remulla na ang nanunungkulan sa ilalim ng gabinete ni Pangulong Bongbong Marcos Jr.
Kasunod na rin ito ng pagkakatalaga kay dating Cavite Governor Jonvic Remulla bilang bagong Kalihim ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
Katunayan, suportado ng magkapatid na Senate President pro-tempore Jinggoy Estrada at Senator JV Ejercito ang appointment ni Remulla sa ahensya.
Ayon kay Ejercito, subok na si Remulla sa tagal nitong naglingkod sa local government kaya karapat-dapat itong bagong Kalihim ng DILG kapalit ni Benhur Abalos Jr.
Dagdag pa ng mambabatas, tulad ng kapatid ni Jonvic na si Justice Secretary Boying Remulla ay kailangang “brusko” o tigasin ang isang Secretary upang hindi lokohin ng ibang mga opisyal.
Sinabi naman ni Estrada na hindi masama kung ang magkapatid ay parehong nasa gabinete ng Pangulo dahil pareho naman silang qualified.