Isinusulong ng ilang mga kongresista ang pagkakaroon ng data czar sa ilalim ng bubuuhing Health Economics Unit sa ilalim ng Department of Health (DOH).
Sa pagdinig ng House Committee on Health, sinabi ni Batangas Rep. Mario Vittorio Marino na sa ilalim ng House Bill 7581 ay bubuo ng isang bagong unit sa ahensya na pamumunuan ng chief health economist na tatayong “data czar”.
Ang data czar ang siyang magma-manage sa COVID-19 pandemic at mag-a-analyze sa growth trend ng virus gayundin ay tutukoy sa cost-effective interventions para makontrol ang pagkalat ng sakit.
Para naman kay Marikina Rep. Stella Quimbo, may-akda ng panukala, napapanahon ito lalo na sa isasagawang imbestigasyon ng Kamara sa OCTA Research Team.
Sa ilalim ng bubuuhing bagong unit, ang mga health economist ang magsasagawa ng mga pag-aaral sa mga data na magsisilbing gabay ng mga regulator o mga ahensya ng gobyerno para sa pagbuo ng mga polisiya na makakatulong na labanan ang mga bagong sulpot na sakit at mapigilan ang pagkamatay ng mga tao.
Ang unit din ang magdedesisyon kung saan ilalaan ang mga limitadong resources para mas makamit ang health objectives ng ahensya.
Tinukoy ng mga kongresista na mahalagang ma-institutionalize ang pagkakaroon ng health economics unit dahil ang Inter-Agency Task Force o IATF-Data Analytics ay binuo lamang ngayong may pandemya.
Sa ngayon ay isasailalim pa sa technical working group ang panukala upang matiyak na hindi magdodoble-doble ang functions ng mga unit sa ilalim ng DOH.