Umapela ang mga may akda ng House Bill 8883 sa Kamara na madaliin ang pagpapatibay sa panukala na layong maglagay ng “Diagnostic Laboratories” sa bawat munisipalidad sa bansa.
Ang nasabing bill ay nakabinbin pa rin sa House Committee on Health.
Tinukoy sa panukala na dahil sa COVID-19 pandemic ay nakita ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mga ospital at laboratoryo lalo na sa gitna ng pagtaas ng mga kaso.
Ang pagkakaroon ng diagnostic laboratories at kaparehas na pasilidad sa bawat munisipalidad ay makakatulong sa mga residente lalo na sa mga mahihirap na nagkakasakit o nangangailangan ng mga serbisyo gaya ng medical tests.
Libre ang serbisyo rito para sa mga mahihirap.
Kapag naging ganap na batas, ang Department of Health (DOH) ang maglalabas ng panuntunan para sa itatayong diagnostic labs, kasama ang kinakailangang medical workers.
Ang 50% o kalahati ng magagastos para sa mga laboratoryo ay magmumula sa Department of Public Works and Highways (DPWH), 25% sa provincial government, at 25% sa mismong munisipalidad.