Cauayan City, Isabela- Hinihimok ngayon ng konseho ng Barangay District 2 sa lungsod ng Cauayan ang lahat ng mga business establishment na sakop ng barangay na gumawa ng ‘digital logbook’ sa pamamagitan ng pagrehistro sa ‘StaySafe PH App’.
Ayon kay Kapitan Miko Del Mendo, ito ay upang mas mapabilis ang pagsasagawa ng contact tracing sa kabila ng may kumpirmado ng local transmission ng COVID-19 sa lungsod na nagdudulot ng pangamba para sa ilan.
Dagdag pa ng opisyal, paraan na rin ito ng kanilang barangay sakaling makapagtala ng kumpirmadong kaso ng virus ay mapapabilis na ang pagtukoy sa mga posibleng nakasalamuha ng nagpositibong pasyente.
Bukas naman ang ilang malalaking establisyimento sa mungkahi ng barangay na maglagay ng digital logbook sa pamamagitan ng pag-scan ng QR code bago makapasok sa mga establisyimento.
Mag-iikot ang mga opisyal sa mga bangko na nasasakupan ng barangay para sa paghikayat din sa kanila na ipatupad ang pagkakaroon ng digital logbook upang maiwasan ang posibleng pagkalat ng virus.