Muling nanawagan si AAMBIS-OWA Party-list Rep. Sharon Garin sa Kamara na aprubahan na sa lalong madaling panahon ang House Bill 7318 o ang pagkakaroon ng eHealth system sa bansa.
Nanindigan ang kongresista na ang isinusulong nitong National eHealth System Act ang titiyak na magkakaroon ng access sa essential healthcare services ang mga Pilipinong nasa malalayong probinsya.
Bukod dito, sa taong 2020 lamang ay aabot sa 73 million ang mga Pilipinong gumagamit ng internet at 173.2 million naman ang mga may mobile connections kaya naman mas magiging epektibo ang eHealth system at delivery ng healthcare services sa bansa.
Ipinaliwanag ng mambabatas na sa pamamagitan ng National eHealth System ay maiuugnay ang mga data centers ng gobyerno sa mga Local Government Unit (LGU) hanggang sa mga barangay para sa mabilis, madali at abot-kayang serbisyong pangkalusugan.
Nakapaloob din sa panukala ang pagkakaroon ng telehealth kung saan ang mga healthcare providers na tutugon sa eHealth services ay may sapat na kakayahan at mga pagsasanay para sa epektibong paghahatid ng serbisyo.
Magtatatag din ng isang National Health Data Center na maglalaman ng impormasyon ng mga pasyente gayundin ay magpapatupad ng data management at governance framework and system bilang suporta sa Universal Health Care Act at pagtupad na rin sa Data Privacy Act.