Kinalampag ni Senator Sherwin Gatchalian na napapanahon na para magkaroon ng evacuation centers sa bawat lungsod, munisipalidad at lalawigan sa buong bansa.
Ang panawagan ng senador ay sa gitna na rin ng pag-aalburuto ng Bulkang Mayon at para na rin sa iba pang sakuna na mangyayari sa hinaharap.
Binigyang-diin ni Gatchalian na nakakaabala sa pagpapatuloy ng edukasyon ang paggamit sa mga school buildings bilang evacuation centers sa panahon ng kalamidad.
Batay sa mga balita, mahigit 17,000 mag-aaral mula sa limang bayan sa Albay ang apektado ng paglikas at nananatili naman ang mga evacuees sa mahigit 20 na pansamantalang silungan at karamihan sa mga ito ay mga paaralan sa elementarya at high school.
Tinukoy pa ng senador na kahit 80% ng mga mag-aaral ang nagpapatuloy ng kanilang pag-aaral gamit ang mga module, patuloy naman ang iba sa face-to-face classes na minsan ay ginagawa sa gym, daycare center, corridor at kahit sa ilalim ng puno dahil sa kakulangan din ng silid-aralan.
Hiniling ni Gatchalian sa Senado ang agad na pagsasabatas sa Evacuation Center Act kung saan isinusulong ang pagpapatayo ng mga evacuation centers sa lahat ng lungsod at munisipalidad.