Iginiit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na isang karapatan at hindi pribilehiyo ang pagkakaroon ng pangangalaga sa kalusugan o healthcare.
Ginawa ng pangulo ang pahayag sa talumpati nito sa pagdalo sa groundbreaking ceremony ng Clark Multi Specialty Medical Center sa Pampanga.
Ayon sa pangulo, mahalaga ang papel ng gobyerno upang ipagpatuloy ang serbisyong pang kalusugan para sa mga Pilipino.
Paliwanag ng pangulo, hindi lang iisang proyekto ang makakaresolba sa problema sa healthcare system sa bansa.
Sa halip ito aniya ay dapat sama-samang pagtutulungan.
Sa gagawin aniyang Clark Multi-Specialty Medical Center sa Clark Freeport Zone sa Pampanga, magkakaroon ng health facility enhancement program ang Pilipinas.
Ito aniya ay para sa mga mahihirap na Pilipino na may karamdaman.
Nagpasalamat naman ang pangulo sa lalawigan ng Pampanga dahil sa pagpayag na muling magkaroon ng dagdag na medical facility sa kanilang lalawigan.
Ang Clark Multi-Specialty Medical Center aniya ay hindi lamang tatanggap ng pasyente sa Region 3 sa halip maging sa Regions 1 2 at Metro Manila.
Focus ng itatayong medical center ay gamutin ang mga may sakit sa puso, kidney, cancer at pediatric ailments.