Nakalusot sa ikalawang pagbasa ng Kamara ang panukala para sa pagkakaroon ng hiwalay na pasilidad para sa mga “high risk offenders”.
Sa ilalim ng House Bill 10355 na naaprubahan sa viva voce voting, layunin ng pagkakaroon ng hiwalay na gusali para sa mga matinding nagkasala o nakagawa ng krimen na matiyak na ligtas ang ibang mga inmates, correctional officers at staff.
Sa ganitong paraan ay maiiwasang makapaghasik ng kaguluhan, anumang krimen o aktibidad ang mga “high level offender” habang binubuno ang sentensya nila.
Pinapalakas din nito ang mandato ng Bureau of Corrections (BuCor) pagdating sa “safekeeping” o pag-iingat at reporma para sa mga bilanggo.
Inihihirit din ang pagkakaroon ng ganitong pasilidad sa high level offenders sa Luzon, Visayas at Mindanao.
Ang pasilidad ay inirerekomendang itayo malapit sa military establishment o sa isang isla na hiwalay sa mainland kung saan malayo sa general population at iba pang mga inmate.