Malapit nang maging ganap na batas ang panukala para sa pagtatayo ng hiwalay na pasilidad o kulungan para sa mga itinuturing na “high level offenders”.
Kasunod na rin ito ng ratipikasyon ng Kamara sa Bicameral Conference Committee report ng House Bill 10355 at Senate Bill 1055.
Ito ay sunod nang iaakyat sa tanggapan ng pangulo para malagdaan at tuluyang maging batas.
Bukod sa pagkakaroon ng hiwalay na pasilidad, layunin ng “Separate Facility for High-Level Offenders” na mailayo ang mga ito sa ibang detainee upang hindi makapaghasik ng gulo o makagawa ng krimen.
Proteksyon din umano ito para sa ibang mga inmates, correctional officers at staff.
Ang pasilidad para sa high-level offenders ay itatatag sa Luzon, Visayas at Mindanao kung saan ito ay itatayo malayo sa lugar ng “general population”.