Ipinatuturo bilang hiwalay na asignatura sa high school ang “Philippine History”.
Sa Senate Bill No. 451 na inihain ni Senator Robin Padilla ay binibigyang mandato ang Department of Education (DepEd) na isama sa high school curriculum ang pagaaral sa Kasaysayan ng Pilipinas bilang hiwalay na subject.
Naniniwala si Padilla na kahit pa sinasabing nakapaloob sa K-12 basic education curriculum ang ilang mga asignatura tungkol sa “Philippine History”, mahalaga pa rin na mayroong ‘independent’ at ‘definitive’ na subject na nakasentro lamang sa pag-aaral ng sariling kasaysayan ng bansa.
Nanghihinayang si Padilla kung ang mga kabataan na itinuturing na pag-asa at kinabukasan ng bansa ay mapagkakaitan ng pagkakataon na aralin ang mga mahahalagang bahagi ng kasaysayan.
Nakasaad sa panukalang batas na ituturo ang Philippine History upang itanim sa isipan ng mga kabataan ang pagka-makabayan, mayamang pamana ng pre-hispanic colonization period, gayundin ang lokal na kasaysayan, kultura at pagkakakilanlan ng Bangsamoro at Indigenous People.
Layunin din ng panukala na magkaroon ng ‘critical thinking’ at ‘discourse’ sa mga epekto ng kasaysayan sa mga pangyayari ngayon sa bansa.