Pagkakaroon ng independent agency na mag-iimbestiga sa mga trahedya o aksidente sa transportasyon, muling ipinanawagan ng isang senador

Muling umapela si Public Services Committee Chairperson Senator Grace Poe sa gobyerno na lumikha ng isang independent agency na magsasagawa ng masusi at makatotohanang imbestigasyon sa mga trahedya o insidente sa transportasyon.

Ginawa ni Poe ang panawagang ito kasunod ng panibagong trahedya sa karagatan kung saan nasunog ang isang passenger vessel sa Basilan na ikinasawi na ng 31 pasahero.

Iginiit ni Poe na panahon na para magkaroon ng hiwalay na ahensya na mag-iimbestiga sa mga ganitong trahedya sa transportasyon at magbibigay ng katapat na rekomendasyon upang maiwasan o hindi na maulit ang mga ganitong kahalintulad na insidete.


Ang nasabing ahensya aniya ang titiyak sa kaligtasan ng transportasyon ito man ay sa himpapawid, lupa at karagatan para iwas aksidente.

Dismayado ang senadora dahil sa magkakasunod na trahedya na paglubog ng motor tanker sa Oriental Mindoro na MT Princess Empress at ngayon ay nasunog na passenger vessel, patunay lamang na mahina ang safety component sa ating transportasyon.

Para maisakatuparan ito ay patuloy na isinusulong ni Poe ang paglikha ng Philippine Transportation Safety Board sa Senado.

Sinabi pa ni Poe na patuloy silang magbabantay para masigurong maibibigay ang lahat ng pangangailangan ng mga biktima ng mga trahedya sa karagatan at matiyak na mapaparusahan ang mga responsable sa nangyaring sakuna.

Facebook Comments