Ikinokonsidera ng Department of Information Communication and Technology (DICT) na isang pangakong natupad ni Pangulong Bongbong Marcos (PBBM) sa kanyang unang 100 araw ang malagyan ng internet connection ang isang malayong isla sa Mindanao.
Sa briefing sa Malakanyang sinabi ni DICT Secretary John Ivan Uy, na ang pagkakaroon ng internet ng Sacol Island na isang malayo at liblib na isla sa Mindanao ay katuparan ng pangako ng presidente na maiparating ang teknolohiya at ang internet connectivity.
Sinabi ni Uy na ang nasabing accomplishment ay batay na rin sa naging direktiba ni PBBM na simulan nang lagyan ng internet connection, ang mga malalayong lugar sa bansa at hanggang ngayo’y wala pa ring internet.
Kaugnay nito’y sinabi ni Uy na magiging tuloy-tuloy ang internet connectivity efforts ng gobyerno upang mapunan na ang nalalabing 30% ng mga lugar sa bansa na hanggang ngayo’y hindi pa nararating ng internet.