Makakaasa ang mga kababaihan na mapakikinggan sila at magkakaroon ng malaking papel partikular sa gobyerno.
Ito ay sa harap ng mga hamong kinahaharap ng women empowerment.
Pahayag ito ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa awarding ceremony ng 2023 Outstanding Women in Law Enforcement and National Security sa Malacañang, kung saan binigyang pugay ng pangulo ang papel na ginagampanan ng mga kababaihan sa lipunan.
Sa aktibidad, binanggit ni Pangulong Marcos na mayroon pa ring nananatiling hadlang sa progreso ng mga kababaihan sa pagsusulong ng gender equality.
Kaya patuloy aniya ang pamahalaan na magpapatupad ng mga konkreto at komprehensibong hakbang sa pag-aangat ng representasyon ng mga kababaihan sa security sector at serbisyong publiko, tungo sa pagkakaroon ng inclusive, equitable, at sustainable na lipunan.
Ayon sa presidente, patuloy rin ang gagawing pakikipagtulungan ng gobyerno sa civil society groups at pribadong sektor, para sa whole-of-society approach na pagsusulong ng karapatan ng mga kababaihan, at pagkakaroon ng pantay na oportunidad para sa lahat.