Iginiit ni Senator Chiz Escudero ang pangangailangan na magkaroon ng malinaw na panuntunan sa manual of operations ng Philippine National Police (PNP).
Ang apela ng senador ay kasunod na rin ng pagpatay ng Navotas PNP sa 17 anyos na si Jemboy Baltazar dahil sa mistaken identity.
Ayon kay Escudero, nakapaloob dapat sa ‘manual of operations’ ng PNP ang malinaw na pagkakasa ng mga police operation at kailangang may katapat na karampatang parusa para sa mga pulis na lalabag.
Kailangan ding aralin ang pangangailangan na maisabatas na ang mandatory na paggamit ng body-worn cameras upang sa gayon ay mayroong kaakibat na patakaran na mahigpit na susundin sa paggamit ng nasabing teknolohiya.
Isinusulong din ng senador ang pagpapaigting sa procurement ng bodycams ng PNP at iba pang law enforcement agencies.
Pagtitiyak ni Escudero na bubusisiin niya ang estado ng bodycam procurement program ng PNP sa magiging deliberasyon ng panukalang 2024 budget sa Senado.