Pagkakaroon ng mga paaralan ng digital copies ng lahat ng textbooks at reference books, solusyon sa kakulangan ng libro

Isinusulong ni Senator Jinggoy Estrada na magkaroon ng digital copies ng lahat ng textbooks at reference books ang mga pampublikong paaralan sa elementarya at sekondarya.

Ito ang nakikitang solusyon ni Estrada para maisakatuparan ang 1:1 student-textbook ratio sa public schools at para matugunan ang pangangailangan ng mga estudyante sa kanilang pag-aaral.

Aniya, kung pipilitin na mabigyan ng sapat na bilang ng mga libro ang bawat mag-aaral sa public schools ay tiyak na matatagalan pa ito.


Para magawa ito ay inihain ng senador ang Senate Bill 2075 kung saan layunin nito na magtatag ng Philippine Online Library na magsisilbing repository o imbakan ng lahat ng digitized copies ng textbooks at reference books na kailangan ng mga mag-aaral.

Sa pag-access ng mga mag-aaral sa digitized copies, maglalagay ng computers at laptops ang Department of Education (DepEd) sa lahat ng public primary at secondary schools habang ang Department of Information and Communications Technology (DICT) naman ang aatasan na maglagay ng mabilis at maasahang internet connection sa mga paaralan.

Dagdag pa ng senador, bukod sa mapupunan nito ang pangangailangan ng mga estudyante at mga guro, ang pagkakaroon ng database ay magiging kapaki-pakinabang hindi lang sa kasalukuyan kundi sa mga susunod pang henerasyon.

Facebook Comments