Itinutulak ng mga Muslim congressmen sa Kamara ang pagkakaroon muli ng Muslim magistrate sa Korte Suprema.
Ayon kay Deputy Speaker Mujiv Hataman, siya at ang kanyang mga kasamahang mambabatas ay nananawagan kay Pangulong Duterte na piliin si Court Of Appeals (CA) Associate Justice Japar Dimaampao mula sa shortlist ng Judicial and Bar Council (JBC) para sa susunod na mahistrado ng Korte Suprema kapalit ni Justice Mariano Del Castillo na nagretiro na noon pang July 29.
Paliwanag ni Hataman, 32 taon na ang nakakaraan mula ng may italagang Muslim Associate Justice na si Abdulwahid Bidin sa Supreme Court noong panahon ni dating Pangulong Cory Aquino.
Ngayon aniya ay napapanahon na may i-appoint muli na muslim magistrate sa SC dahil hinog naman na sa karanasan at kwalipikado si Dimaampao sa posisyon.
Ang mapabilang si Dimaampao sa shortlist ng JBC ay patunay aniya may mataas itong kwalipikasyon para maupo sa SC.
Suportado din at ipinapanawagan ng BARMM ang pagtatalaga kay Dimaampao sa kataas-taasang hukuman.