Muling kinalampag ni AAMBIS-OWA Partylist Representative Sharon Garin ang Kamara para sa agarang pagpapatibay sa panukala na lilikha ng pambansang programa para maiwasan ang tuluyang pagtaas pa ng adolescent pregnancies sa bansa.
Naniniwala si Garin na makatutulong ang panukala para sa economic recovery mula sa epekto ng COVID-19 pandemic.
Ginawa ni Garin ang panawagan sa gitna na rin ng International Women’s Month kung saan pinaaaprubahan agad ng kongresista ang House Bill 6426 o Adolescent Pregnancy Prevention Act.
Layunin ng panukalang batas na i-institutionalize ang national program para makontrol ang adolescent pregnancies at mabigyan ng social protection program ang mga batang ina tulad ng maternal health services, workshops, at kabuhayan.
Nanindigan si Garin na kung hindi mapipigil ang krisis na ito ay tiyak na mahihirapan ang ekonomiya ng bansa.
Pinagbatayan ng kongresista ang report ng United Nations Population Fund (UNFPA) na P33 billion kada taon ang nawawalang kita ng bansa bunsod ng pagtaas ng teenage pregnancies at dahil sa pandemya ay mas lalong malaki ang mawawala sa bansa kasabay ng pagtaas lalo ng mga kabataang nabubuntis.