Asahan na muling iiral ang tinatawag na price war areas sa gitna nang muling inaasahang pagsipa sa presyo ng produktong petrolyo ngayong linggo.
Sinabi sa Laging Handa briefing ni Department of Energy (DOE) – Oil Industry Management Bureau Assistant Director Rodela Romero, ang oil price war areas ay ang ibat- ibang presyo ng gasolina sa mga gasolinahan kung saan may mga lugar na mas mababa ang presyo kumpara sa ibang lugar na mataas naman ang halaga ng produktong petrolyo.
Pababaan aniya ng presyo sa ilalim ng price war areas lalo na sa mga lugar na maraming gasolinahan kaya’t lumalabas na mayroon pa ring kumpetensiya sa isat- isa.
Kaya ayon kay Romero, nakikita ang epekto ng deregulation kahit na pare-pareho ang notification ng adjustment para sa isang partikular na linggo ay iba naman ang presyo sa ibat- ibang lugar.
Posible namang masilip sa DOE web page kung anu-anong mga gasolinahan ang nagbibigay din ng mga discount na umaabot pa sa hanggang tatlo at apat na piso.