Pagkakaroon ng passport vaccination, isinusulong sa Kamara

Itinutulak ni Ang Probinsyano Partylist Representative Ronnie Ong ang pagkakaroon ng immunization o vaccination passport para sa lahat ng mga Pilipinong mababakunahan ng COVID-19 vaccine.

Sa ilalim ng House Bill 8280 o Vaccination Passport Act ay ido-dokumento ng gobyerno ang buong inoculation process nang sa gayon ay mabantayan ng mga health authorities ang efficacy ng bakuna at para matukoy kung mayroon man itong side-effects sa tao.

Ang vaccination passport na ito ay maaaring gawing identification system para magkaroon ng access ang mga tao sa mga public facilities at mass gatherings na hindi na kinakailangan na magsuot ng face masks at face shields.


Maaari rin aniyang i-obliga ng mga business establishments sa publiko ang pagpapakita ng vaccination passport para makapasok sa mga establisyimento.

Pahihintulutan din ang mga indibidwal na may vaccine passport sa ilang mga aktibidad tulad ng international at domestic travel kung saan kasama na dito ang mga non-essential travel, employment abroad, local checkpoint at quarantine exemptions, pagbubukas at pagkakaroon ng access sa mga business establishments at post-vaccination protocols.

Inaatasan naman ang Inter Agency Task Force (IATF) on COVID-19, partikular ang Department of Health (DOH), Department of Tourism (DOT), Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Transportation (DOTr) na makipag-ugnayan upang makalikha ng iisang internationally-recognized na vaccine passport na magsisilbing patunay ng mga taong naturukan na ng COVID-19 vaccine.

Mahaharap naman sa parusa at multa ang mga iligal na magpo-produce, mangangalaga o mamemeke ng vaccination passport salig na rin sa Republic Act 8239 o Passport Act of 1996.

Facebook Comments