Mas mabilis na matutugunan ng gobyerno ang pangangailangan ng mga Pilipino sa Thailand ngayong magkakaroon na ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa nasabing bansa.
Ang pahayag na ito ay sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kasunod ng anunsyo ni Department of Migrant Workers Secretary Susan Ople kaugnay sa pagkakaroon ng POLO sa Thailand.
Ayon sa pangulo, makakatulong ito para maprotektahan ang karapatan ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Thailand.
Sa pamamagitan aniya ng bagong labor office ay magiging madali na sa mga kababayan natin sa Thailand na maiparating ang kanilang concern na may kinalaman sa kanilang hanapbuhay.
Kaugnay nito, pinuri ng pangulo ang magandang reputasyon ng mga Filipino workers sa abroad.
Sa Filipino Community event ng Pangulo sa Thailand, inihayag nito batay na rin sa pahayag ng mga Thailander, ang mga Pilipinong manggagawa ay masisipag, mababait at madaling kausap.
Aabot sa 18, 917 ang mga OFWs sa Thailand simula noong May 2022.