Pagkakaroon ng poste sa gitna ng mga pinalawak na lansangan, pinapa-imbestigahan ng isang kongresista

Labis ang panghihinayang ni Pinuno Party-list Rep. Howard Guintu sa mga walang saysay na road-widening projects sa mga lansangan sa Metro Manila dahil may nakatayong mga poste ng kuryente sa gitna.

Diin ni Guinto, sayang lang ang pera ng taumbayan dahil hindi nakamit ang layunin ng mga road-widening projects na mapaluwag ang daloy ng trapiko sa Kalakhang Maynila.

Ipinunto ni Guinto na halip na makatulong sa mga motorista at commuters, naging aksaya lang ito sa pera na galing sa kaban ng bayan at nagamit pa sana sa ibang proyekto.


Bunsod nito ay inihain ni Guintu ang House Resolution No. 215 na humihiling sa House Committees on Energy and Public Works na magsagawa ng imbestigasyon, in aid of legislation, ukol sa estado ng relokasyon ng mga poste ng kuryente na nasa gitna ng mga lansangan.

Ikinadismaya ni Guinto ang pananatili ng mga poste ng kuryente sa gitna ng mga kalye sa kabila ng kaliwa’t kanang kautusan mula sa Department of Energy (DOE) at Department of Public Works and Highways (DPWH) ng mga ito ay alisin at ilipat.

Bunsod nito ay iginiit ni Guinto sa DOE at DPWH na umaksyon para maging ligtas ang motorista at para maipagkaloob sa mamamayan ang nararapat na mga proyekto kapalit ng kanilang buwis.

Facebook Comments