Para masawata ang graft and corruption sa pamahalaan, isinusulong ni San Jose del Monte Rep. Rida Robes ang pagkakaroon ng pre-audit system sa paggasta o paggugol ng pondo ng bayan.
Sa House Bill 7124 na inihain ni Robes, ang pre-audit system ay isasagawa bago pa man maglabas ng pera ang gobyerno kung saan muling pag-aaralan ang mga pinasok na transaksyon at kontrata ng pamahalaan.
Ipinatupad na aniya ito noong 1920’s pero ito ay inalis ni dating Pangulong Ferdinand Marcos at noong 1970’s ay pinalitan ito ng post-audit system na ginagamit hanggang sa ngayon.
Paliwanag ni Robes, ang kasalukuyang sistema na post-audit ay lantad sa mga pang-aabuso at katiwalian dahil ang pagsusuri sa ginastos na pondo ay imposible nang maibalik kung may madiskubre mang iregularidad dito.
Upang matiyak naman na walang delay sa paglalabas ng pondo, inaatasan ng panukala ang Commission on Audit (COA) na maglabas ng sertipikasyon sa loob ng 15-araw matapos na matanggap ang mga kinakailangang dokumento.
Sakali namang walang sertipikasyon ang COA ay hindi maaring maglabas ng pondo ang gobyerno.
Lilikha rin ng Pre-Audit Office ang COA na siyang magpapatupad ng pre-audit system at inoobliga rin ang pagsusumite ng taunang report tungkol dito sa Pangulo at sa Kongreso.