Pagkakaroon ng satellite phones sa bawat disaster prone barangay, ipinasasama sa Evacuation Centers Bill

Inirekomenda ni House Deputy Minority Leader Carlos Isagani Zarate na isama sa Evacuation Centers Bill ang pagkakaroon ng satellite phone sa bawat disaster prone barangay.

Ayon kay Zarate, bagama’t may probisyon sa bersyon ng Kamara na ang ibang pasilidad na imumungkahi ng mga otoridad ay maaaring idagdag, mas mainam aniya kung malinaw na nakasaad sa pinal na bersyon ng panukalang pagtitibayin ng dalawang Kongreso ang pagkakaroon ng satellite phones sa bawat barangay na madalas daanan ng bagyo.

Iginiit ng Bayan Muna solon na tulad sa Pilipinas na normal na dinadaanan ng super typhoons, kailangang gawin nang “mandatory equipment” para sa disaster preparedness at response ang pagkakaroon ng satellite phones.


Punto pa ng mambabatas, tulad sa resulta ng pananalasa ng Bagyong Yolanda at Odette, hindi dapat tayo nakadepende sa mga imprastraktura ng telephone companies para sa agad na pagbabalik ng komunikasyon.

Aniya, gaya sa iba ay sinira rin ng bagyo ang kanilang mga imprastraktura dahilan kaya matagal maibalik ang linya ng komunikasyon at kuryente.

Bagama’t mahal ang satellite phones, ito naman ay isang long – term investment na maaaring magamit sa pagligtas ng buhay at mga ari-arian.

Facebook Comments