Naniniwala ang isang political analyst na posibleng magkakaroon ng “silent majority” sa Kamara dahil sa dami ng pangako ni House Speaker Lord Allan Velasco na hindi naman nito tinupad.
Ayon kay Political Analyst Mon Casiple, ito ay dahil hindi naman tinupad ni Velasco ang kanyang mga pangako lalo na sa aspetong walang tatanggalan sa pwesto.
Hindi rin aniya maiiwasan na maihambing ng mga kongresista si Velasco kay dating House Speaker Alan Peter Cayetano na nasanay na sa istilo ng kanyang pamamahala.
Matatandaang pinakahuling tinanggalan ng pwesto si Bulacan Rep. Jose Antonio Sy-Alvarado bilang Chairman ng House Committee on Good Government and Public Accountability at pinalitan naman ni Diwa Partylist Rep. Michael Aglipay.
Samantala, sinabi naman ng isang political analyst na si Vic Endriga na malabo nang mapagkaisa ni Velasco ang mga mambabatas dahil ngayon pa lamang ay matunog na ang balitang kudeta laban dito kung saan nais ipalit sa kanya bilang House Speaker ay si Majority Leader Martin Romualdez gayundin sina Cavite Rep. Pidi Barzaga at 1-Sagip Partylist Rep. Rodante Marcoleta.