Nanawagan ang Commission on Human Rights (CHR) kay Pangulong Rodrigo Duterte na pag-aralan munang mabuti ang nilalaman ng Anti-Terrorism bill bago ito, ganap na isabatas.
Sa interview ng RMN Manila kay CHR Commissioner Atty. Gwen Pimentel-Gana, binigyan diin nito sa Pangulong Duterte na huwag ipilit ang batas kung may pagdududa pa dito ng publiko.
Ilan sa mga nakikitang butas ng CHR sa Anti-Terrorism Bill ay ang mga probisyon ng malawak na depenisyon ng terorismo, pagpapahintulot sa labing apat hanggang dalawamput apat na araw na pagkakakulong kahit walang warrant at animnapu hanggang siyamnapung araw na surveillance.
Giit ni Gana, dapat maging malinaw muna ang nilalaman ng panukalang batas upang matiyak na hindi ito magagamit sa pang-aabuso at maprotektahan ang taongbayan.
Maging ang kilalang national security expert na si Professor Rommel Banlaoi ay sinabing mahalagang magkaroon muna ng social acceptability ang Anti-Terrorism Bill bago ito isabatas.
Sa ngayon ay nasa Senado pa ang kontrobersyal na panukala at hindi pa ganap na naita-transmit kay Pangulong Duterte.