Inirekomenda ng Joint Task Force COVID Shield ang pagkakaroon ng ‘staggered visitation scheme’ sa mga sementeryo para maiwasan ang bugso ng tao na bibisita ngayong darating na Undas.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Deputy Chief for Administration at JTF COVID-19 Shield Commander Pol. Lt. Gen. Guillermo Eleazar, posibleng magkaroon ng problema kung dadagsa ang mga tao sa sementeryo sa darating na October 31 at November 1, lalo’t patuloy ang banta ng COVID-19.
Kaya aniya, magandang hakbangin para sa kanila ang pansamantalang pagsasara ng mga sementeryo para maiwasan ang pagdagsa ng mga taong bibisita sa mga puntod.
Kasabay nito, hinangaan din ni Eleazar ang desisyon ng ilang mga alkalde sa Metro Manila na isara ang mga sementeryo sa kani-kanilang lungsod, habang ilang mga probinsya ang una nang nag-utos ng ‘staggered visitation scheme’.
Sa ngayon, wala pang tugon ang Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases ukol dito.