Inirekomenda ni Samar Rep. Edgar Mary Sarmiento sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang pagkakaroon ng standby generators na maaaring ipadala sa mga lugar na sinalanta ng bagyo.
Para kay Sarmiento, mahalaga na mayroong nakahandang generator sets na maaaring i-deploy ng NDRRMC sa mga lugar na nawalan ng kuryente dahil sa epekto ng bagyo.
Kung may maipapagamit na standby gensets ay matitiyak na mayroong mapagkukunan ng kuryente at tuloy-tuloy pa rin ang suplay ng tubig sa mga kabahayan at water refilling stations.
Pinayuhan pa ng kongresista na kada gasoline station ay atasan na magkaroon ng standby genset na sasapat sa operasyon ng kahit 2 fuel dispensers.
Ang payo ng mambabatas ay bunsod na rin ng epekto ng Bagyong Odette sa Visayas at Mindanao kung saan dahil sa power outage ay naparalisa ng ilang araw at linggo ang suplay ng tubig at naging pahirapan pa ang paghahanap sa produktong petrolyo.