Pagkakaroon ng surge ng COVID-19 cases sa ilang mga bansa na gumagamit ng Sinopharm vaccine, hindi dapat isisi lang sa bakuna ayon sa PCHRD

Binigyang-diin ni Philippine Council for Health Research and Development (PCHRD) Executive Director Dr. Jaime Montoya na hindi dahilan ang pagbabakuna sa pagkakaroon ng surge ng COVID-19 cases sa isang lugar o bansa.

Reaksyon ito ni Dr. Montoya makaraang maiulat ang pagkakaroon ng pagsirit ng kaso sa Bahrain, Mongolia at United Arab Emirates matapos gamitin ng kanilang pamahalaan ang Sinopharm vaccine.

Ayon kay Montoya, ang pagbabakuna ay nakakatulong pa nga upang makaiwas ang isang indibidwal na tamaan ng severe COVID-19 case o mauwi sa kamatayan.


Ang napapaulat na surge ng COVID cases sa mga nabanggit na bansa ay posibleng dulot ng mga bagong variants at COVID fatigue kung saan hindi na nakakatalima ang mamamayan nito sa health and safety protocols.

Aniya, wala naman itong epekto sa plano ng pamahalaan na bumili ng Sinopharm vaccines mula sa China matapos itong gawaran kamakailan ng Emergency Use Authorization (EUA) ng Food & Drug Administration (FDA).

Facebook Comments