Pinapatiyak ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto sa Department of Education (DepEd) ang “1 book to 1 student” ratio sa lahat ng pampublikong paaralan sa buong bansa.
Ayon kay Recto, kahit distance learning ang magiging klase ay dapat siguraduhin na bawat mag-aaral ay may kumpletong set ng mga libro at instructional materials.
Diin ni Recto, mas mahalaga ito kumpara sa transistor radio dahil hindi lahat ng mga mag-aaral ay may gadgets tulad ng laptop at marami ring lugar sa bansa ang mahina ang internet.
Nag-aalala si Recto na hindi makapag-print ng sapat na bilang ng libro ang DepEd dahil bumaba sa ₱963 million ang dating ₱1.8 billion na budget nito para sa libro.
Ang kinaltas na pondo ay inilaan sa pagtugon sa COVID-19 na ayon kay Recto ay dapat maibalik upang matustusan ang mga libro at programang kailangan para sa blended education ng 27.2 milyong kabataang Pilipino.