Nanawagan si Albay Rep. Edcel Lagman na magkaroon ng tunay na lider ng minorya sa kamara sa pagpasok ng 18th Congress.
Giit ni Lagman, ang isang minority leader ay dapat kumakatawan sa genuine opposition at hindi sunud-sunuran sa administrasyon o kadikit ng supermajority.
Masisiguro rin aniya ang ganitong klase ng pinuno kung hindi siya miyembro o partisan ng administrasyon o pinili ng ruling majority sa mababang kapulungan.
Nababahala naman si Lagman na hindi imposibleng maulit ang nangyari sa kasalukuyang kongreso kung saan ang isang Duterte candidate na natalo sa botohan para sa speakership ang siyang itinalagang minority leader.
Mababatid na ang outgoing na si Quezon Representative Danilo Suarez ang itinalagang minority leader sa panahon nina Speakers Gloria Macapagal-Arroyo at Pantaleon Alvarez, bagay na ilang beses na kinuwestyon ng oposisyon dahil kaalyado umano siya ng liderato.