Pagkakaroon ng vaccine pass para sa pagbiyahe, pinaplantsa na ng pamahalaan

Kinumpirma ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na tuloy ang talakayan ng Inter-Agency Task Force (IATF) para sa pagkakaroon ng vaccine pass sa mga nakatanggap na ng kumpletong bakuna kontra COVID-19.

Sinabi ni DICT Undersecretary Emmanuel Rey Caintic na binubuo pa ang mga panuntunan ukol sa pagkakaroon ng vaccine pass.

Ayon sa opisyal, hindi lamang para sa mga bibiyahe palabas ng bansa sa pamamagitan ng eroplano at barko ang bibigyan ng vaccine pass.


Ikinokonsidera rin aniya ang pagpapalabas ng pass para sa pagbiyahe sa iba’t ibang panig ng bansa.

Dito aniya pumapasok ang kahalagahan na maging maayos at maisumite ng mga lokal na pamahalaan ang mga datos at talaan sa kanilang pagbabakuna para sa planong pagkakaroon ng vaccine pass.

Sa ilalim ng isinusulong na vaccine passport, laman nito ang impormasyon kung ano ang bakunang tinanggap na ng isang residente, ano ang kanyang comorbidity at iba pang mahalagang datos na gagamitin din na batayan para sa pagbiyahe sa ibayong dagat.

Facebook Comments