Iminungkahi ni Senate Minority Leader Koko Pimentel sa pamahalaan ang pagkakaroon ng “work break” sa bansa tuwing napakainit ng panahon tulad ng ipinatutupad sa United Arab Emirates (UAE).
Inirekomenda ng mambabatas ang pagpapatupad ng work limitations kapag mainit ang panahon gayundin ang pagpapatupad ng occupational heat safety at health protocols.
Ayon kay Pimentel, dapat na makipag-ugnayan ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa pribadong sektor para sa implementasyon ng kaparehong polisiya.
Aniya, dapat na magkaroon ng pansamantalang work break o compulsory rest periods kapag ang heat index ay umabot na sa danger level.
Nag-aalala ang senador sa kaligtasan ng mga manggagawa tulad ng mga construction workers na nagtatrabaho sa labas at direktang lantad sa init ng araw.
Iginiit ng senador na kailangang mabigyan ng sapat na proteksyon ang mga manggagawa upang maiwasan ang anumang aksidente dulot ng matinding init ng panahon.