Iginiit ni Agri Party-list Representative Wilbert “Manoy” Lee ang kahalagahan na masimulan na agad ng House of Representatives ang imbestigasyon kaugnay sa nangyaring oil spill matapos lumubog ang MT Terranova sa karagatang nasa bahagi ng Bataan.
Pahayag ito ni Lee matapos niyang personal na tingnan ang sitwasyon ng mga mangingisda, nagtitinda ng isda at mga residente sa Limay, Bataan.
Una rito ang inihain ni Lee ang House Resolution No. 1825 sa layuning matukoy ang laki ng epekto ng Bataan oil spill, ano ang mga hakbang na dapat gawin, mga tulong na dapat ibigay sa mga apektado at sinu ang dapat managot.
Ayon kay Lee, target ng imbestigasyon na mabatid ang katotohanan na ang insidente ay may kaugnayan umano sa smuggling activities, paihi, at kawalan ng permiso sa paglalayag.
Sabi ni Lee, tututukan din ng imbestigasyon ang proseso para sa certification ng mga vessel, seaworthiness at insurance ng ganitong mga barko gayundin ang mga pampasaherong barko na napapabalitang lumulubog dahil sobra ang karga o luma na.