Hindi inaalis ng Philippine National Police o PNP ang posibilidad na mga pulis din ang nasa likod ng pagkakasama ng ilang kasamahan nila sa drug list ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang sinabi ni PNP Spokesperson Police Brigadier General Bernard Banac habang nagpapatuloy ang adjudication process sa 356 na sinasabing narco-cops.
Ayon kay Banac, isa sa tinitingnan nilang motibo ay personal na galit o sama ng loob ng ilang pulis sa kanilang kapwa kasamahan.
Sa ngayon, sinisiyasat kung saan nanggaling ang umano’y maling impormasyon para maimbestigahan ang mga pulis na nagbigay nito.
Siniguro ni Banac na dadaan sa internal disciplinary mechanism ang mga pulis na nagbigay ng maling impormasyon at posible pang maharap sa grave misconduct.
Una nang sinabi ng PNP na isa sa pinanggalingan ng drug list ng Pangulo ay intelligence unit ng PNP.