Ikinatuwa ni ACT-Teachers Partylist Rep. France Castro ang pagkakasama ng mga frontline personnel mula sa basic education at higher education institutions at agencies sa A4 priority list ng COVID-19 vaccine rollout.
Ayon kay Castro, welcome para sa ACT-Teachers ang hakbang ng pamahalaan at ng Inter-Agency Task Force (IATF) dahil ito ay mangangahulugan ng ligtas na pagbabalik sa paaralan ng mga guro at school personnel.
Ngayon naman aniya ay hinihikayat nila si Pangulong Rodrigo Duterte na bilisan ang procurement at administration ng COVID-19 vaccines upang may sapat na suplay at agad na mabigyan ang mga nangangailangan ng bakuna.
Iginiit ni Castro na mababalewala ang layunin na makamit ang herd immunity at mapabagal ang pagkalat ng virus kung wala namang suplay ng bakuna.
Tinukoy ng kongresista na ilang siyudad ang pinatigil na muna ang pagbabakuna sa A1 hanggang A3 priority list dahil paubos na ang bakuna.