Resulta ng epektibong kampanya ng administrasyong Duterte laban sa iligal na droga, kriminalidad at katiwalian ang pagkakasama ng Pilipinas sa “Top 40 safest countries” mula sa 144 na mga bansa sa buong mundo.
Ito ang pahayag ni Senador Bong Go kasunod ng inilabas na 2020 Global Law and Order Survey ng American analytics firm na Gallup.
Nasa 12th spot ang Pilipinas kahanay ang Australia, New Zealand, Poland at Serbia matapos na makakuha ng law and order index score na 84.
Nangunguna naman sa listahan ang Singapore at Turkmenistan na nakakuha ng score na 97 habang nahuhuli ang Afghanistan na may score na 43.
Sa nasabing survey, inalaman ang pakiramdam ng mga tao sa kanilang personal security at karanasan sa crime and law enforcement kung saan marami ang nagsabing nasiyahan sila sa law enforcement agencies sa bansa.
Sa kabila ng resulta ng survey, iginiit ni Go na hindi pa rin dapat magpakakampante ang militar at pulisya.
Aniya, utos pa rin ni Pangulong Rodrigo Duterte na paghusayin ang paglaban sa kriminalidad na sasabayan ng paglikha ng mga batas ng Kongreso para masuportahan ang kampanya ng pamahalaan.