Hindi na ikinagulat ni Bayan Muna Representative Ferdinand Gaite ang pagkakasama ni Police Lieutenant Colonel Jovie Espenido sa narco-list.
Ayon kay Gaite, maituturing na public knowledge na ilang mga police officers ang sangkot sa mga iligal na gawain tulad ng droga gaya na lamang sa mga Ninja Cops na sangkot sa pagrerecycle ng drugs na nasa ilalim ng pamumuno noon ni dating Philippine National Police (PNP) Chief Oscar Albayalde.
Giit ng kongresista, dapat na sampahan ng kaukulang kaso si Espenido at ang iba pang pulis na dawit sa iligal na droga at hindi lamang hayaan na magretiro tulad ng inirerekomenda ngayon ni PNP Chief Archie Gamboa.
Duda pa ang mambabatas na ang pagkakapatay noon ni Espenido kay Ozamiz City Mayor Reynaldo Parojinog sa isang anti-drug operation ay posibleng dahil sa kompitensya rin sa droga.
Lumalabas na sa 357 na pulis na nasa drug’s list ni Pangulong Duterte, 15 dito ang pinayagang magretiro bago pa man maimbestigahan at masampahan ng kaso.
Naniniwala din ang Kongresista na mas maraming mga pulis pa ang sangkot sa droga taliwas sa unang sinasabi ni Pangulong Duterte na apat na pulis lamang ang kumpirmadong dawit sa ipinagbabawal na gamot.